Malamig na umaga na sinamahan pa ng pag-ulan. Ang paslit na ako'y nasa terasan at nakaupo sa aming tarangkahan, malungkot, umaasang titigil ang ulan upang makalabas at makapaglaro na kasama ang mga kaibigan. Pumanhik ako sa bigkas ng pundasyon kung saan nakalagay ang mga halaman ng aking lola. Kita dito ang daan, kung saan dapat ako naglalaro ng habulan, taguan, tumbang preso at marami pang iba kasama ang mga kaibigan. Napakalaki pala ng kaibahan kapag maaraw at maulan. Dati'y ako'y malaya ngunit bihag na ngayon ng aming bahay.
Pumukaw sa aking atensyon ang mga nag-uunahang patak ng tubig na galing sa aming bubong tila bang ako'y iniinggit sapagkat may kasama silang magsaya sa peligro na ito. Nakakainis at ako'y nagalit sa mundo bakit pa kase nangyari ito.
Naputol ang aking hiraya nang tawagin ang aking ngalan, ang aking nakakatandang pinsan ay nasa labas ng aming bahay, basang-basa ng ulan at iniinbitahan akong sumali sa kanya na maligo sa ulan. Umiling lang ako at tinanggihan ang kanyang alok sinabi na nangangamba si inay na magkasakit ako. Pinipilit talaga ako ng aking makulit na pinsan na ngumunguso pa habang nagsasalita. Sakto namang lumabas ng sala ang aking lola na nakita ang aking pinsan na ngayo'y nagtatatakbo sa baha na daan marahil para inggitin ako. Tinawag ng siya ng aking lola at pinaaalahanan na mag-ingat siya. Nakinig naman ang pinsan at humingi ng permiso na samahan ko siyang maligo sa ulan. Pangako niya na babantayan niya ako at hindi kami magtatagal. Wari niya'y ayaw ni inay na ngayong natutulog pero pumayag pa rin siya, madalang lang naman daw ito. Milagro sa peligro! Akalain mong 'di ko na kailangang maghintay na umaraw para makapaglaro sa daan?
Kumaripas ako ng takbo papalabas dahil sa pagkatuwa. Abot ng aming musmos na tuhod ang baha ngunit 'di sapat na rason upang pigilan ang pagtatampisaw namin sa ulan habang nakahiga sa daan 'di alintana ang kahit na ano para sa ikakasaya ng aming mga puso. Ibinida sa akin ng aking pinsan ang mala-talon na alulod na kanyang nadiskubre 'di kalayuan sa aming bahay. Pinuntahan namin ito at sabay kaming nilamon ng malakas na tubig at nagsisisigaw kung gaano kalamig ito. 'Di mawala ang mga ngiti sa aming bibig at galak sa aming puso ng dahil lamang dito. Nilibot namin ang aming lugar at nasaksikhan ko sa unang pagkakataon ang hiwaga na dulot ng tubig ulan habang nagpapadausdos sa bubong ng mga bahay, ang malumanay na pag-agos ng tubig sa mga kanal at ang kagandahan ng mga matatayog na puno habang sumasayaw sa musika ng ulan. Napakaganda. Ignorante pala ako sa mahika ng ulan at ayoko nang matigil pa ito. Inuwi na ako ng pinsan ko makaraan ang ilang oras dahil na rin sa pag-tigil ng ulan. Sakto at gising na ang inay ko, handa na ang aking puwet na makatikim ng mga madidilim at mahahapding sandi ngunit inabutan niya lamang ako ng tuwalya at tinanong kung naging masaya ba ako. Bagamat musmos pa lamang ay kapos pa sa salita upang ipaliwanag ito.
Para bang kumakain ako ng paborito kong bistek sa mainit na kanin. Masarap at wala na akong hihilingin pa.
No comments:
Post a Comment