'Di ko alam kung paano nga ba sisimulan ang sulatin na ito. 'Di ko alam kung ano ang sasabihin ko, sapagkat ang lahat ay nag-uumapaw para bang tulad ng tubig sa sinasaing na kanin at timba na punong-puno ng tubig. Ikaw ang may sala kung bakit ako gan'to at bakit ganyan. Ang lahat ay patag na simula pa noong una, payapa, tahimik at sapat pero magsimula ng narinig ko ang ngalan mo, nakita ko kung sino nga ba ang taong humahawak nito at makadaumpalad ko kung sino ka nga bang talaga, ang lahat ay nagbago.
Ang lahat ng "sapat" na umaga ay naging masaya. Maiinit na tanghali na kaantabay ang mga puno ay sinilungan pa ng mga ulap at mga gabing kasama ang tala ay dinagdagan pa ng buwan. Kakaiba nga talaga ang taglay ng pagkatao mo, aking minamahal. Lahat ng bagay ay nadadagdagan pa kahit "sapat" na.
Ang lahat ng simpleng bagay na nakikita't nagagawa ko noon pa man ay iba ang dulot na ligaya sa tuwing kasama ka. Ayoko nang matapos ang bawat sandali, oras, minuto at segundo sa tuwing kapiling ka. Sa tuwing darating na ang oras na ihatid ka, napakasakit sapagkat parang iniiwan ko na rin at hinahatid sa malayo ang aking kaligayahan.
Pero totoo nga, ang lahat ng bagay sa mundo ay mayroong hangganan. Ang maningning mong ngiti ay dumilim na, ang mahigpit mong yakap ay maluwag na at ang mainit mong pag-ibig ay lumamig na. Dumilim ang aking mundo magsimula ang ilaw ang umalis na. Pilit ko na lamang sinasariwa ang mga panahong perpekto ang lahat pero parang mahirap na yatang maibalik sapagkat pinili mong umalis at iwan ako dito sa aking "sapat" na buhay.